COVID-19 Patient mula sa Bayan ng Echague, Positibo pa rin sa ikalawang Swab Test

*Cauayan City, Isabela*- Kinumpirma ng pamunuan ng Southern Isabela Medical Center na nananatiling positibo sa corona virus o covid-19 ang 23-anyos na pasyenteng lalaki (PH801) mula sa Bayan ng Echague matapos magpositibo sa ikalawang swab test.

Ayon sa pahayag ni Medical Chief Dr. Ildefonso Costales ng nasabing ospital, may nararanasan pa ring pananakit sa lalamunan o sore throat ang nasabing pasyente kaya’t nananatili pa rin ito sa pangangalaga ng mga doktor.

Dagdag pa ni Dr. Costales na walang anumang senyales ng hirap sa paghinga ang binata maliban sa kanyang pananakit sa lalamunan.


Samantala, nagnegatibo na sa covid-test ang apat (4) na Patient under Investigation (PUI) habang lima (5) nalang ang nasa kustodiya ng ospital habang hinihintay ang kanilang resulta.

Sinabi pa ni Costales na kabilang din sa Patient under monitoring ang tatlong (3) health workers matapos magkaroon ng exposure sa isang nagpositibo sa covid-19 ng sila ay magtungo sa Clark, Pampanga.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang ikatlong swab test result ng nasabing pasyente.

Facebook Comments