Pumalo na sa 52% ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay OCTA Research Group fellow Dr. Guido David, bahagya itong mataas mula sa 50.5% na naitala noong January 7.
Umaasa naman si David na hindi aabot sa 60% ang positivity rate sa NCR.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Michael Tee ng OCTA Research na dahil napakataas na ng positivity rate ay mahihirapan na tayong makita ang totoong sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa.
“Nagsisimula na tayong mabulag niyan e sa katotohanan dahil kung 50% na yung positivity rate natin, ang totoo niyan, marami na rin ang hindi nagpapa-test,” ani Tee.
“Ngayon, ang deperensya, maraming laboratoryo ang hindi maka-function fully dahil may sakit ang kanilang mga staff, mga medtech at hindi natin kayang tugunan ang ating testing requirement,” dagdag niya.
“Kung hinahabol natin ang WHO na 5%, positivity rate lang ng testing, kailangan natin halos e, 500,000 na testing araw-araw e wala pa tayong 100,000 na nagagawa,” aniya pa.
Nabatid na pinakamataas na COVID-19 testing na nagawa sa bansa ay 85,000 na naitala noong September 2021.