Medical certificate ni dating senador Bongbong Marcos, nais na makita ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon

Plano ni Commission on Election (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na hingin sa kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang medical certificate nito.

Ito’y matapos na hindi nakadalo ang dating senador sa zoom meeting para sa pre-conference ng kinakaharap nitong disqualification cases dahil sa masama ang kaniyang pakiramdam.

Pero, nagkaroon naman ng pagkakataon na ma-interview ng dalawang beses sa ilang radio program.


Una ng ipinaliwanag ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Vic Rodriguez na lumala ang sitwasyon ni Marcos noong Biyernes ng umaga dahilan para payuhang magpahinga ito.

Pero sa post ni Guanzon, kung talagang totoong may sakit si Marcos dapat noong huwebes ng gabi o January 6 ay nag-abiso sana ng mas maaga ang kampo nito.

Dahil dito, nais ni Guanzon na makuha ang notarized medical certificate ni Marcos kung saan nakalagay rin dito ang medical license number ng doktor na sumuri sa kaniya.

Ngayong araw rin ay nakatakdang i-raffle sa tanggapan ng Comelec ang ilan pang disqualification cases ni Marcos na tumatakbo sa pagkapangulo ng bansa.

Facebook Comments