Tiniyak ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na pagtitibayin agad ang mga mahahalagang panukalang batas sa gitna ng pandemya sa pagbabalik sesyon ngayong araw.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, sa nalalabing tatlong linggo ng second regular session ng 18th Congress ay sisikapin nilang maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang mga COVID-19 relief packages at iba pang kahalintulad na panukalang batas.
Ilan sa mga panukalang batas na target pagtibayin bago magsara ang second regular session ay ang P405.6 Billion Bayanihan 3, Resolution of Both Houses No. 2 o ang economic charter change at panukala na nagkakaloob ng amnestiya sa mga miyembro ng armado at rebeldeng grupo na magbabalik loob sa pamahalaan.
“The legislative chamber will make the most out of the remaining three weeks of the second regular session of the 18th Congress to pass a third round of COVID-19 relief package and other related bills,” ani Velasco.
“The House is ready to sit down with the Senate to make sure that these measures become laws before we adjourn,” dagdag pa ng mambabatas.
Sinabi ni Velasco na nakahanda ang Kamara na talakayin ang mga panukalang batas kasama ang Senado upang matiyak na magiging ganap na batas ito bago man lang mag-adjourn.
Target din na madaliin ang pagapruba sa panukala na layong lumikha ng Philippine Virology Institute at ang medical stockpiling bill na bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Aniya pa, committed din ang Kamara na maisabatas ang mga nalalabing ‘priority measures’ sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Most of these priority measures have already been approved on third reading by the House. Maybe for the next three weeks, we will await Senate action on the bills certified urgent by the President,” sinabi ni Velasco.
Katunayan, hihintayin na lamang ng Kamara ang agad na pagpasa ng Senado sa mga panukala na nauna nang inaprubahan sa Mababang Kapulungan tulad ng panukala sa pagamyenda sa Public Service Act; pagamyenda sa Foreign Investments Act of 1991; pagamyenda sa Retail Trade Liberalization Act of 2000; at Medical Reserve Corps.
Sa Hunyo 5 ang sine die adjournment at magbabalik ang sesyon sa July 26 o sa ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.