COVID-19 response ng bansa, itinuturing na ‘worst in Asia’; estratehiya ng DOH sa pagtugon sa pandemya, dapat nang palitan ayon sa isang kongresista

Tinawag ni Deputy Speaker at 1-PACMAN Partylist Representative Michael Romero na ‘worst in Asia’ ang COVID-19 response ng pamahalaan.

Ito ay dahil hindi makapaniwala ang kongresista sa lumabas na update ng Department of Health (DOH) na pumalo sa mahigit 38,000 ang bilang sa isang araw ng mga naka-recover sa Coronavirus Disease, gayong pataas naman ng pataas ang bilang ng mga nagkakasakit.

Sa mensaheng ipinadala, pinapapalitan ni Romero sa DOH at kay Health Secretary Francisco Duque III ang ginagamit na estratehiya upang maging epektibo ang pagtugon sa tuluyang pagpapababa ng bilang ng mga nagkakasakit.


Sinabi ng kongresista na bukod sa ‘magna cum-laude’ ang Pilipinas sa buong Asya pagdating sa COVID-19 response at approach ay ‘big-failure’ rin umano ang bansa sa public health system.

Paglilinaw ng mambabatas, mataas ang respeto at kaibigan niya si Duque ngunit ang mga datos sa COVID-19 na ang nagsasabi kung nagagawa ba ng kalihim ang kaniyang tungkulin o hindi.

Dagdag pa ni Romero, binigo ni Duque ang sambayanang Pilipino, bilang siya ang man in charge sa paglaban sa COVID-19.

Sa usapin naman ng panawagan ng iba na magbitiw na si Secretary Duque, iginiit niya na ipaubaya na lamang ang desisyon na ito sa kalihim.

Facebook Comments