Patuloy ang pasakit na nararamdaman ng isang COVID-19 survivor sa Quezon City matapos siyang palayasin ng kaniyang kasera dahil hindi nakabayad ng upa ngayong panahon ng community quarantine.
Sa panayam ng “24 Oras,” emosyonal na ikinuwento ni Mary Glen Dosal na nabigo siyang magbayad ng P7,000 para sa 2-buwang renta ng tinutuluyang bahay sa Barangay Batasan Hills.
Pero imbis na magkasundo, nauwi raw sa matinding pagtatalo ang pag-uusap nila ng landlady na si Vicky Mariveles.
Nahihirapan din siya ngayon maghanap ng trabaho simula nang dapuan at gumaling sa virus noong Marso.
Kamakailan lamang ay nagharap ang dalawa sa barangay at nagkasundong lilisanin ni Dosal ang inuupahang bahay sa Hunyo 15. Pero kaagad umalis ang ginang dahil hindi niya raw masikmura ang masasakit na salitang binibitiwan ni Mariveles.
Nabatid sa ulat na biyuda si Dosal at mag-isang bunubuhay ang tatlong supling.
Depensa naman ng kahera, ito lamang ang bukod-tanging pinagkakakitaan niya at winasak pa raw ng single parent ang ilang kagamitan sa loob ng tirahan.
Pinaalala ulit ng Department of Trade and Industry (DTI) na paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act ang puwersahang paninigil ng renta sa panahon ng pandemya. Puwede raw hatiin sa anim na buwang installment ang bayad dito.
Maaring magreklamo ang mga indibidwal na nakararanas ng parehong problema sa consumer hotline ng kagawaran.