COVID-19 symptoms, pinababantayan ng QC-LGU sa abot 6,000 evacuees na nagsiksikan sa mga evacuation center sa kasagsagan ng Bagyong Rolly

COURTESY: QUEZON CITY GOVERNMENT FB

Pinamo-monitor ngayon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Health Department ang abot sa 6,000 evacuees na bumalik sa kanilang mga tahanan matapos sumilong sa mga evacuation centers sa kasagsagan ni Bagyong Rolly.

Layon nito na makita kung mayroon sa mga ito na magkakaroon ng sintomas ng COVID-19.

Ayon naman kay Dr. Rolando Cruz, hepe ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nagpakalat na sila ng contact tracing team upang i-monitor ang mga umuwing evacuees.


Aniya, isasailalim nila sa dalawang linggong monitoring ang health status ng mga ito.

Sinumang magpapakita ng sintomas ay isasalang sa swab test at ililipat sa mga barangay quarantine o mga HOPE community caring facilities.

Dagdag pa ni Cruz, may sapat na bilang ng contact tracers ang lungsod upang subaybayan ang lahat ng taong lumikas.

Facebook Comments