Inamin ng Department of Health (DOH) na nakaapekto sa kanilang kapasidad na makapag-report ng mga bagong kaso ang pagpapahinto ng Philippine Red Cross (PRC) sa testing nito.
Ang pagpapahinto ng PRC sa kanilang testing ay bunga ng higit 900 milyong pisong utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, malaki ang naiaambag ng PRC sa daily outputs ng DOH at sa mga laboratoryo nito pagdating sa COVID-19 cases.
Pero sinabi rin ni Vergeire na mayroong 11 government laboratories ang maaaring tumanggap ng specimens para mabawasan ang ‘bottleneck’ sa paglalabas ng COVID-19 cases.
Bukod dito, may mga pribadong laboratoryo rin ang handang tumulong sa pamahalaan sa pagpoproseso ng mga specimens.
Una nang sinabi ng Malacañang na tiwala sila na itutuloy ng Red Cross ang COVID-19 testing operations nang sila ay sumang-ayon na tatanggap ng initial payment sa pamahalaan.