COVID-19 testing capacity ng gobyerno, umaabot na sa 11,500 indibidwal kada araw ayon kay Sec. Carlito Galvez

Umaabot na ngayon sa 11,500 na indibidwal ang sumasailaim sa COVID-19 test kada araw.

Inihayag ito ni National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Carlito G. Galvez Jr. sa harap ng pagsisikap ng pamahalaan na mapataas pa ang testing capacity.

Ayon kay Galvez, sa susunod na dalawang linggo inaasahang niyang aabot na sa 20,000 kada araw ang sasailalim sa test na malaking tulong para mapabilis ang pagtukoy sa mga indibidwal na positibo sa COVID-19.


Aniya, ang pagdating ng 20 Polymerase Chain Reaction (PCR) machine mula sa China na ipapamahagi sa mga mega swabbing facilities ay malaking tulong para tumaas pa ang testing capacity ng gobyerno.

Target ng pamahalaan na makapag-test ng 50,000 indibidwal kada araw kaya naman mahalaga na maraming COVID-19 testing laboratories.

Sa ngayon, sinabi ni Galvez, aabot na sa 1,262 referral hospitals at 3,273 Ligtas COVID-19 centers na may 58,676 bed capacity sa buong bansa.

Habang may 108 na molecular laboratories ang nag-a-apply pa para sa accreditation.

Facebook Comments