Cauayan City, Isabela- Inaasahan na matatapos na sa darating na buwan ng Hulyo ang ginagawang COVID-19 Testing Center ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Dr. Glenn Baggao, medical chief ng CVMC sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Base aniya sa kanilang monitoring ay nasa 90 porsiyento na ang natatapos sa kasalukuyang ginagawa at inaayos na COVID-19 testing laboratory ng naturang ospital.
Dumating na rin ang dalawang *Reverse transcription polymerase chain reaction (*RT-PCR) machine maging ang mga karagdagang medical technologists na nagsanay sa Baguio General hospital na itatalaga para sa naturang laboratoryo.
Ayon kay Dr. Baggao, posibleng matatapos na sa kalagitnaan ng Hulyo ang paggawa sa testing center at kung sakaling natapos at naihanda na ito ay agad na itong bubuksan.
Nasa 300 hanggang 400 na COVID-19 specimen ang maaaring masuri sa loob ng isang araw ng naturang testing center.
Tiniyak naman ni Dr. Baggao na may sapat na Personal Protective Equipment (PPE’s) ang lahat ng mga staff ng CVMC upang maprotektahan din ang mga ito laban sa COVID-19.