COVID-19 testing sa mga bahay, iminungkahi ng infectious disease expert

Iminungkahi ni Infectious Disease Specialist Dr. Edsel Salvaña na magpasuri sa mga laboratoryo na gumagawa ng home testing para hindi na kailangang lumabas ang mga indibidwal na posibleng may COVID-19.

Ito ay sa harap ng patuloy na pagtaas ng COVID cases sa bansa na pinaniniwalaang dulot ng Omicron variant.

Ayon kay Salvaña, mainam ang antigen test na gawin na lamang sa bahay pero kapag may mga sintomas na ay dapat ilapit na ito sa mga Local Government Unit (LGU).


Sinabi rin ni Salvaña na makakatulong din ang pagpapakonsulta sa telemedicine dahil hindi na kailangang maghintay sa mahabang pila at hindi na ma-e-expose sa maraming tao.

Pero kapag hindi aniya makakuha ng test, ipinayo ni Salvaña na mainam na mag-isolate sa loob ng sampung araw para makasigurong walang mahawaan.

Tiniyak naman ni Salvaña na hindi dapat matakot kung bakunado ang isang indibidwal dahil hindi na magiging malala ang kondisyon nito kapag nahawa ng COVID-19.

Facebook Comments