COVID-19 vaccination bill, lalagdaan na ni Pangulong Duterte

 

Kinumpirma ni Senator Christopher “Bong” Go na lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.

Ang nasabing panukala ay layong pabilisin ang pagbili COVID-19 vaccines sa bansa at pagbuo ng indemnity fund.

Sa kaniyang pagbisita at pamamahagi ng tulong sa sa mga empleyado ng Veterans Golf Club sa Quezon City noong Huwebes, Feb. 25 sinabi ni Go na Biyernes (Feb. 26) lalagdaan na ang panukala.


“Ine-expect ko po na bukas mapipirmahan ito agad ng Pangulo dahil ito ang hinihintay ng ating vaccine czar at ng mga (vaccine) suppliers po … kapag dumating ‘yan sa lamesa ng Presidente sigurado wala pa isang oras pipirmahan na n’ya ‘yan,” ayon kay Go.

Layon din ng panukala na bumuo ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na pamamahalaan ng Philippine Health Insurance Corporation at ang pondo ay kukuhanin sa Contingent Fund ng 2021 national budget.

Isa kasi ito sa requirements na hinihiling ng COVID-19 vaccine suppliers.

Sinabi ni Go na nagdoble kayod silang mga mambabatas para maipasa ang naturang panukala.

Ang panukala ay inisponsor ni Senate Committee on Finance Chair Sonny Angara habang co-sponsor si Go at iba pang mga senador.

“Nagmadali kami noong nakaraang Martes. We voted on third reading and it was signed yesterday by the respective leaderships of both Houses and I heard it was already transmitted to the Office of the President yesterday,” ayon pa kay Go.

“Ito po ang hinihingi ng COVAX, hinihingi ng WHO (World Health Organization). Ngayon, nandiyan na po at alam naman natin ang vaccine lang po ang susi dito sa ating problema para unti-unti na tayong makabalik sa normal nating pamumuhay,” dagdag ng senador.

Ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ay naipasa sa Senado noong Martes, February 23 at inadopt ng Kamara ang Senate version noong araw ding iyon.

 

 

Facebook Comments