Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang pagluluwag ng quarantine restrictions sa bansa sa harap ng COVID-19 pandemic ay hindi naka-angkla sa COVID-19 vaccination coverage.
Matatandaang nanawagan ang OCTA Research Group sa pamahalaan na iprayoridad ang COVID-19 vaccine rollout kaysa pagluluwag ng quarantine protocols.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang COVID-19 vaccination ay isa lamang sa mga factor o basehan para luwagan ang restriction.
Titingnan pa aniya kung kayang pigilan ng bakuna ang COVID-19 transmission.
Dagdag pa ni Vergeire, maabot lamang ang potential efficacy rate ng mga bakuna kapag naibigay ang dalawang doses.
“The COVID-19 vaccination is just an add on factor where to ease restrictions or not at this point in time where the vaccine will come in tranches and will still have to see if the vaccine can block COVID-19 transmission,” sabi ni Vergeire.
“Also, we can only reach the potential efficacy rate of the vaccines after two doses, so we have to take that into consideration. Ang way pa rin natin [in deciding] at iyong number of cases, health care utilization rate…the vaccination will be an add on factor,” dagdag pa ni Vergeire.
Ang unang batch ng COVID-19 vaccines mula sa COVAX facility, kabilang ang Pfizer-BioNTech at AstraZeneca ay darating sa bansa sa first quarter at inaasahang ide-deploy sa COVID-19 referral hospitals.