COVID-19 Vaccination Program Act, iginiit na para sa lahat

Nilinaw ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na inaprubahan ng Kongreso ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 para sa lahat.

Bunsod ito ng paglilinaw ng Malacañang na bukas sa lahat ng pribadong sektor ang pagbili ng COVID-19 vaccines matapos na almahan ng mga mambabatas ang naunang draft ng Administrative Order ng Department of Health (DOH) kung saan hindi pinapayagan ang ilang mga private firms na makapasok sa tripartite agreement para makabili ng COVID-19 vaccines dahil sa health issues sa kanilang mga produkto tulad ng mga kompanya ng alak at sigarilyo.

Ipinunto ni Defensor na ipinasa ng Kongreso ang COVID-19 vaccination program para sa lahat at hindi para ma-discriminate ang ilang kompanya.


Malinaw aniya sa batas na kinikilala ng pamahalaan ang tulong ng lahat ng private corporate sector para mapabilis ang inoculation at pag-administer ng COVID-19 vaccines sa mga Pilipino.

Ngayon aniya ay nakikipaglaban tayo sa krisis sa kalusugan at socio-economic kaya kailangan ng gobyerno ng tulong ng lahat para matapos na ang pandemya.

Tinukoy pa ng mambabatas na maraming buwis ang ipinapataw sa production, sale at consumption ng mga produkto ng mga nasabing industriya na siya namang pinaghuhugutan ng pamahalaan para sa kinakailangang financial resources na pantugon sa pandemya.

Facebook Comments