COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, posibleng maharap sa iba’t ibang problema

Inihayag ng Department of Health ang mga posibleng kaharapin na problema ng pamahalaan sa oras na gumulong na ang COVID-19 vaccination program sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, una dito ang pagsisigurong walang bakunang masasayang o mapapanis.

Ikalawa, ang kawalang kumpiyansa ng mga Pilipino sa COVID-19 vaccine kaya’t puspusan ang pagsasagawa ng information drive kaugnay sa kahalagahan, benepisyo at kaligtasan ng bakuna.


Ikatlo, ang magiging behavior challenge dahil inaasahan nilang maraming Pilipino ang makakampante matapos mabakunahan.

Giit ni Vergeire, ang mga itinurok na bakuna ay nanatiling ‘underdeveloped’ kaya’t maaari pa ring makahawa ang mga ito ng virus.

Ikaapat, ang pagiging mapili ng mga Pilipino sa bakuna lalo na’t may nakakaranas pa rin hanggang ngayon ng global shortage sa COVID-19 vaccine.

Ikalima, ang pagtitiyak na ligtas magiging distribusyon at transport ng mga bakuna partikular sa mga liblib na lugar sa bansa.

Panghuli, ang isasagawang monitoring sa mga mababakunahan upang malaman ang posibleng epekto nito sa ating mga kababayan.

Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire na gagawin lahat ng pamahalaan upang maiwasan ang posibleng mga problema sa COVID-19 vaccination program sa bansa.

Facebook Comments