Pinayuhan ng Israel medical experts ang Pilipinas na huwag munang isipin sa ngayon ang COVID-19 vaccine booster shots at mag-focus muna sa pagpapabakuna sa eligible population.
Ang apat na Israeli experts ay dumating sa Pilipinas noong July 26 at ibinabahagi nila ang kanilang best practices sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Israeli Infectious Diseases and COVID-19 Specialist Dr. Guy Choshen, mahalagang mabakunahan muna ang mayorya ng populasyon ng bansa.
Kapag marami ang nabakunahan, mababawasan ang bilang ng mga nao-ospital at bababa ang bilang ng severe at critical cases.
Iginiit ni Choshen na hindi pa mahalaga sa ngayon ang third dose o booster vaccine lalo na kung titingnan ang kasalukuyang vaccination situation ng bansa.
Ang vaccination aniya ay makakatulong para hindi mag-mutate ang COVID-19 virus.
Pagtitiyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ginagawa ng mga foreign experts ang kanilang makakaya para mapabuti ang vaccination program sa bansa.
Bukod sa vaccination, sinabi ni Duque ang kahalagahan ng active case finding, pagpapaikli ng interval ng detection patungong isolation o quarantine at tracing ng close contacts.