COVID-19 vaccine allocation ng Pilipinas mula COVAX Facility, posibleng mawala dahil sa mga pasaway na alkalde

Posibleng mawala ang alokasyong libreng COVID-19 vaccine ng Pilipinas mula sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).

Ito ay matapos magpabakuna ang ilang alkalde na hindi naman kasama sa priority list na makatanggap ng COVID-19 vaccine.

Paliwanag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing, ilan sa mga ginamit ng alkalde na bakuna ay AstraZeneca mula sa COVAX Facility ng WHO kung saan may nilagdaang kasunduan na dapat sundin ang listahan ng mga prayoridad na mabakunahan.


Aniya, tatlong beses ng nakatanggap ng warning ang Pilipinas dahil sa mga paglabag na ito.

Kung magtutuloy-tuloy pa aniya ito posibleng bawiin ng WHO ang alokasyong libreng bakuna sa Pilipinas at ibigay muna ang mga ito sa ibang mahihirap na bansa.

Sa kabila nito, tiniyak ni Densing na bibigyan pa rin ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ang mga alkalde.

Gayunman, hindi pa rin sila ligtas sa anumang kaparusahan oras na mapatunayang lumabag sila sa priority list.

Facebook Comments