COVID-19 vaccine national simulation exercises, isinagawa ng DOH sa NAIA

Ikinasa ng Department of Health (DOH) katuwang ang One Stop Shop ang COVID-19 vaccine national simulation exercises sa cold chain at logistic management sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito’y para makita ang magiging sitwasyon sakaling dumating na ang biniling bakuna kontra COVID-19 sa bansa.

Isa rin sa layunin ng aktibidad na malaman ang kahandaan sa pagdadala ng mga vials pagdating sa paliparan papunta sa mga cold storage hanggang sa mga vaccination hub.


Mula naman sa paglapag sa airport hanggang sa pag-realease ng clearance sa Customs, nais ng gobyerno na mabilis ang pagpapadala ng mga bakuna patungong warehouse ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa pamamagitan ng mga chiller truck.

Pagsapit sa RITM, dito na iinspeksyunin ang mga bakuna bago ito ilalagay sa mga cold storage na may sapat na temperatura para hindi ito masira.

Ilan naman sa dumalo sa nasabing simulation exercises ay sina Health Secretary Francisco Duque III, Transportation Secretary Arthur Tugade, Vaccine Czar Carlito Galvez at MMDA General Manager Jojo Garcia.

Facebook Comments