Tiniyak ng isang infectious disease expert na mabisa ang mga kasalukuyang COVID-19 vaccines ng bansa laban sa bagong COVID-19 variant na iniuugnay sa Omicron.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, mapoprotektahan pa rin ng mga kasalukuyang bakuna ang publiko laban sa XE recombinant na isang mutant ng sub-variants ng Omicron dahil sa ngayon ay epektibo naman ang bakuna sa BA.1 at BA.2 ng Omicron.
Gayunpaman ay sinabi ni Solante na mas nakahahawa ang XE kumpara sa BA.1 at BA.2.
Dagdag pa ni Solante na masyado pang maaga upang magrekomenda ng border control sa UK at Thailand dahil kailangan pang bantayan ang XE.
Samantala, nakikipag-ugnayan naman ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) tungkol sa “Omicron XE” habang patuloy na binabantayan ang case trends sa bansa.