COVID-19 vaccine ng mga atletang Pinoy na lalahok sa Olympics, handang sagutin ng ilang negosyante

Handa ang ilang mga negosyante sa pribadong sektor na tulungan sa pagpapabakuna ang mga atletang sasabak sa Tokyo Olympics ngayong taon.

Sa pagdinig ng House Committee on Youth and Sports, inihayag ng kinatawan ng Philippine Olympic Committee (POC) na sa isinagawa nilang board meeting noong nakaraang linggo ay may ilang negosyante ang nagpaabot ng kahandaan na tumulong sa pagpapabakuna sa mga Pinoy athletes na sasabak sa summer games.

Sa priority list kasi ng Department of Health (DOH), hindi kasama ang mga atleta ng bansa sa uunahing mabakunahan ng COVID-19 vaccine bagay na isinusulong ni Deputy Speaker at 1-PACMAN Partylist Representative Mikee Romero na mabago sa ilalim ng House Resolution 1507.


Kasabay nito ay inadopt na ng komite ang resolusyon na umaapela sa Inter-Agency Task Force (IATF) na i-classify o ituring ang mga atleta bilang “frontliners” upang maisama sa prayoridad sa COVID-19 vaccination.

Maliban sa mga atletang sasabak sa Tokyo Olympics sa July 23 hanggang August 8, ipinasasama rin sa priority list ang mga Pinoy athletes na maglalaro naman sa 2021 SEA Games na gaganapin sa Vietnam sa November 22 hanggang December 2, 2021.

Nauna rito ay lumiham na rin si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez sa IATF para hilingin na isama sa mababakunahan ang mga atleta ng bansa.

Facebook Comments