Kinalampag ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang Inter-Agency Task Force (IATF) na dagdagan ang mga ipinapadalang bakuna sa Cagayan de Oro (CDO) City.
Ito ay bunsod na rin ng ulat kamakailan ng OCTA research group na nagiging “area of concern” na ang CDO dahil tumaas sa 75% ang COVID-19 cases sa lugar.
Ang apela ni Rodriguez na magpadala ang IATF ng dagdag na bakuna sa CDO ay nakapaloob sa magkahiwalay na liham na ipinadala ng mambabatas kina Health Secretary Francisco Duque III at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Naniniwala ang kongresista na hindi naman mahirap ang magdagdag ng alokasyon ng bakuna sa CDO lalo pa’t dumating na sa bansa ang karagdagang Sinovac at AstraZeneca vaccines.
Nanawagan din si Rodriguez sa health authorities na tukuyin kung saan nag-originate ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa lugar at iminungkahi na rin nito sa mga city officials na higpitan ang border controls at pagpapatupad ng health protocols sa CDO.