Malaki ang posibilidad na maisyuhan din dito sa bansa ng Emergency Use Authorization (EUA) ang bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo naaprubahan na kasi ng United Kingdom ang EUA ng Pfizer.
Ibig sabihin, nasuri na ito ng kanilang counterpart sa UK.
Pero paglilinaw ni Domingo, hindi basta-basta ibinibigay o ipinagkakaloob ang EUA dito sa Pilipinas at kailangan itong i-apply ng isang pharmaceutical firm at makapagpresenta ng mga kinakailangang dokumento at scientific data bago gawaran nito.
Kinakailangan ding maipakita ng nag-aaply na pharmaceutical firm na mabisa at epektibo ang bakuna sa mga Filipino o kahit sa mga Asyano.
Samantala, ikinalugod naman ng Palasyo ang naging hakbang ng United Kingdom na aprubahan ang COVID-19 vaccine ng Pfizer.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binibigyan lamang nito ng pag-asa ang lahat na matutuldukan na ang kasalukuyang global health emergency.