Cauayan City, Isabela- Bumaba na lamang sa 80 ang bilang ng mga COVID-19 patients na kasalukuyang binabantayan sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, kanyang sinabi na as of November 8, 2021, nasa 82 na lamang ang kanilang pasyente na may COVID-19 na naka-admit sa naturang ospital.
Malayo aniya ito sa mahigit 300 na naitalang pinakamataas na bilang ng COVID-19 patients na tinanggap ng ospital simula noong buwan ng Hulyo hanggang Agosto 2021.
Ikinatuwa naman ni Baggao ang patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa CVMC.
Kaugnay nito, nagbawas na ang naturang ospital ng COVID-19 isolation rooms para mabigyan naman ng espasyo ang mga non-covid patients na dinadala sa ospital.
Ayon pa sa Hepe, bumaba na rin ang bilang ng kanilang natatanggap at ipinoprosesong specimen gamit ang kanilang molecular laboratory kung saan nasa mahigit 50 porsyento aniya ang nabawas mula sa dating mahigit 1,000 swab samples kada araw.