COVID response programs ng OVP, idinala na rin sa mga probinsya

Ipinaabot na rin ng Office of the Vice President (OVP) ang COVID-19 response programs sa labas ng National Capital Region (NCR) Plus.

Ito ay dahil ang ilang probinsya sa Visayas at Mindanao ay nakararanas din ng surge ng COVID-19 cases.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Vice President Leni Robredo na nagpadala na ang kanyang tanggapan ng medical supplies sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa Panay Island, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, Sultan Kudarat, South Cotabato, Negros Oriental, at Negros Occidental.


Karamihan aniya sa mga probinsya ay humihingi ng karagdagang supply ng Personal Protective Equipment (PPEs) at medical supplies.

Bukod dito, nagpadala na sila ng gamot para sa Doctors to the Barrios sa Butuan City, Dinagat Islands, at Lanuza, Surigao del Sur.

Mayroon ding second batch ng supplies na ipapadala sa Puerto Princesa, Palawan.

Binanggit din ng bise presidente na maraming healthcare workers sa Negros ang gustong mag-resign dahil ang mga ospital ay napupuno na ng COVID-19 patients.

Umaasa si Robredo na mas maraming health personnel ang italaga sa mga nabanggit na lugar at bigyan ng insentibo.

Facebook Comments