Naglabas ng memorandum ang Department of Health (DOH) sa kanilang regional directors na nag-aatas sa mga ito na panatilihing bukas ang operasyon ng laboratories ngayong Semana Santa.
Partikular sa Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Easter Sunday.
Ayon kay Health Sec. Maria Rosario Vergeire, layon nito na maging tuloy-tuloy ang monitoring sa COVID cases sa bansa.
Kinumpirma rin ni Vergeire na nakakatanggap ngayon ng 300 hanggang sa mahigit 400 na tawag kada araw ang One Hospital Commander Center.
Nagsasagawa na rin aniya sila ng decongestion sa mga ospital at nakahanap na sila ng mga hotel na magsisilbing quarantine facilities.
Kabilang sa mga inilipat sa hotels ang health care workers na tinamaan ng COVID-19.
Nilinaw naman ni Vergeire na ang medical frontliners na bagong na-infect ng virus ay pawang mild at asymptomatic ang kalagayan.
Kinumpirma naman ng DOH na umaabot na sa 404 na health care workers sa bansa ang naturukan na ng second dose ng COVID vaccine.