CPP-NPA, nananaginip ng gising ayon sa AFP matapos magdeklara nang mas maigting na pag-atake laban sa tropa ng gobyerno

COURTESY: Major General Edgard Arevalo FB

Muli namang nananaginip ng gising ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ito ang direktang pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo matapos na i-utos ng CPP sa NPA na mas paigtingin ang pag-atake laban sa tropa ng pamahalaan.

Ayon kay Arevalo, sa dami ng mga sumukong komunistang terorista at mga isinuko nilang armas sa gobyerno, nagtataka sila sa deklarasyon ng mga makakaliwang grupo.


Alam aniya ng militar na ginagawa lahat ng CPP-NPA na labanan ang tropa ng gobyerno pero palagi silang nadidismaya.

Sinabi pa ni Arevalo na hindi rin nakakapagtaka na marami na sa mga Pilipino ang nagsusumbong sa militar sa presensya ng NPA sa mga komunidad.

Dagdag pa ng opisyal na ang mga huling update na natanggap nila mula sa mga residente sa mga rural areas, partikular sa mga indigenous people ay nagiging biktima umano ng pagpatay, panggagahasa at pagnanakaw ng mga NPA na kanila nang inaayawan.

Giit ni Arevalo, hindi bibiguin ng AFP ang taumbayan sa paglaban sa mga pag-atake ng mga NPA.

Facebook Comments