Cauayan City, Isabela- Idineklara na bilang persona-non-grata o wala nang puwang at hindi tanggap sa hanay ng mga magsasaka sa probinsya ng Quirino ang grupong CPP-NPA-NDF.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSg Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade sa programang Sentro Serbisyo, ang deklarasyon ay pinangunahan ng mga dating pinuno ng ‘Timpuyog Iti Mannalon iti Quirino o TIMIQ matapos ang dayalogo ng mga ito sa mga sundalong nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa nasabing Lalawigan.
Maliban sa CPP-NPA-NDF, kasama rin idineklara na persona non grata ang grupong BAYAN MUNA, GABRIELA, KARAPATAN, KABATAAN, ANAK PAWIS AT ANAK BAYAN sa bisa ng Resolution no.1 series of 2020 na nilagdaan ng mga dating tumayong pinunong pamprobinsyal ng nasabing samahan ng mga magsasaka.
Ayon sa mga ito, nagdadala ng pangamba sa mga tao maging sa katahimikan at kaayusan ng komunidad ang presensya ng CPP-NPA, NDF.
Nagbahagi naman ng mensahe ang dating lider ng nabuwag na TIMIQ na si Ginang Rowena Hidalgo, kanyang sinabi na ayaw na nilang maranasan ng mga bagong henerasyon ang hirap at takot na kanilang nararanasan tuwing naghahasik ng karahasan ang mga grupong ito.
Kaugnay nito, hiniling din ng mga dating opisyal na tuluyan nang burahin ang grupong TIMIQ sa kanilang Lalawigan.
Nananawagan naman ang nasabing organisasyon sa grupo ng KARAPATAN Cagayan Valley na itigil na ang paggamit sa pangalang TIMIQ sa kanilang mga inilalabas at propaganda dahil ito ay nabuwag na.