CPP, NPA, NDF tinawag na makasarili matapos tumangging makiisa sa ceasefire ng pamahalaan

Binanatan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Under Secretary Jonathan Malaya ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), National Democratic Front of the the Philippines (NDF) matapos tumangging makiisa sa deklarasyon ng pamahalaan na ceasefire o tigil putukan.

Matatandaang sa isang pahayag, sinabi ni NDFP Chief Political Consultant Jose Maria Sison na wala silang nakikitang batayan sa ngayon para kanilang suklian ang idineklarang unilateral ceasefire ng gobyerno.

Sa laging handa public press briefing tinawag ni Under Secretary Malaya ang mga rebelde na makasarili at walang pagmamahal sa bansa na layon lamang pabagsakin ang pamahalaan.


Paliwanag ni Malaya nais sana ni Pangulong Duterte na magfocus ang mga pulis at sundalo sa pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan ngayong umiiral ang State of Calamity sa buong bansa dulot ng COVID-19.

Ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kasi ang incharge ngayon sa mga checkpoints at nagmamantine ng peace & order lalo na sa Luzon kung saan pinatutupad ang Enhanced Community Quarantine.

Magkagayunman sinabi ni Under Secretary Malaya na kung umatake ang mga rebelde ay nakahanda parin ang pwersa ng Pambansang Pulis at Militar.

Sa huli sinabi ni Malaya na sana isipin ng mga rebelde ang national interest kaysa sa kani-kanilang personal na interes.

Facebook Comments