Utos ni Director for Operations Maj. Gen. Valeriano de Leon ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng unit commanders nito na paigtingin ang kampanya kontra sa e-sabong, batay na rin sa direktiba ni PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Ito ay matapos na iulat ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kamakalawa na iligal na nag-o-operate pa rin ang mga online sabong sites kahit na may kautusan ang pangulo na ipasara ang mga ito epektibo nitong May 3.
Ayon sa opisyal, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa PAGCOR upang matukoy ang mga iligal na e-sabong websites sa pamamagitan ng PNP-Anti Cybercrime Group.
Nanawagan naman si De Leon sa mga nag-o-operate ng e-sabong na ihinto na ito kung ayaw magkaproblema kapag dumating ang panahon na i-resume ang e-sabong.
Sinabi pa ni De Leon na titiyakin din nila na walang tauhan ng PNP ang sangkot sa e-sabong bilang manlalaro, kolektor o protektor.