Naniniwala si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., na mas gaganda ang pasok ng mga negosyo sa bansa matapos ang crackdown laban sa mga dayuhang konektado sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) industry na sangkot sa ilegal na aktibidad.
Ang pahayag ay ginawa ng PNP chief kasunod na rin ng ilang insidente nang pagdukot na kinabibilangan ng foreign nationals na ikinababahala ng ilang mga dayuhang mamumuhunan.
Ayon kay Azurin ang crackdown ng PNP laban sa mga POGO workers na undocumented, overstaying o may expired visa o working permits ay makatutulong upang mapanatag ang loob hindi lamang ng mga dayuhan kung hindi maging ng kapwa natin Pilipino.
Sa ngayon, imamandato na ang mga POGO workers at iba pang dayuhang papasok sa bansa na kumuha muna ng National Police Clearance at National Bureau of Investigation (NBI) Clearance para masiguro na hindi sila wanted sa bansang kanilang pinagmulan.
Kumpiyansa rin si Azurin na kapag nagkaroon ng epektibong monitoring mechanism para sa mga POGO workers at iba pang dayuhang manggagawa ay malaking tulong ito sa peace and order situation sa ating bansa.