Posibleng marating na ngayong tanghali ng search and rescue team ang crash site ng Cessna plane sa Bulkang Mayon.
Sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ni Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., na nasa 900-meters na lang ang layo ng team mula sa crash site at posibleng ngayong tanghali ay nandoon na ang mga ito.
Ayon kay Baldo, pahirapan ang pag-akyat sa Bulkang Mayon kaya nagsanib pwersa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ilang mountaineers upang mabilis na marating nila ang crash site.
Target ng search and rescue team na makuha ngayong araw ang mga sakay ng bumagsak na Cessna plane na sina Capt. Rufino James Crisostomo Jr., crew na si Joel Martin, at dalawang Australian national na pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan.
Sabado ng umaga ng umalis ang Cessna plane sa Bicol International Airport at patungo sanang Maynila bago mapaulat na bumagsak.