CREATE Bill, niratipikahan na ng Senado

Niratipikahan na ng Senado ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Bill na magbababa sa buwis sa mga negosyo at magtatakda ng exemptions sa COVID-19 vaccine sa iba’t ibang buwis tulad ng import duties at value added tax.

Kumpyansa si Committee on Ways and Means Chairperson Pia Cayetano na mapapalawig ng CREATE Bill ang mga negosyo sa bansa at mapapaunlad nito ang pamumuhunan na magbubunga ng mas maraming trabaho at magpapasigla sa ekonomiya.

Tiwala naman ni Senator Christopher “Bong” Go, na bubuhayin ng panukala ang ekonomiya ng bansa dahil mahihikayat ang mga maliliit na negosyante na mamuhunan dahil sa mas mababang corporate tax na ibibigay ng gobyerno.


Paliwanag naman ni Senator Sherwin Gatchalian, kapag naisabatas ay malaki ang maitutulong ng CREATE Bill para makaahon ang mga kompanya na naaapektuhan ng pandemya, mapapalago nito ang ating ekonomiya at maiiwasan ang kawalan ng trabaho.

Mahigpit namang magbabantay si Senator Joel Villanueva para hindi mapako ang mga ipinangakong trabaho sa ilalim ng CREATE na daan para makabangon ang mamamayan at makatulong sa pagpapabuti ng ekonomiya.

Ikinumpara naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang CREATE Bill sa ventilator at medicine cabinet na tutulong sa mga kompanyang tila naghihingalo na sa Intensive Care Unit (ICU).

Facebook Comments