IRR ng Child Car Seat Law, pinare-review sa Kamara

81

Ipinare-review ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act.

Ang suhestyon ng kongresista ay kasunod na rin ng pagpapaliban muna sa implementasyon ng batas matapos umani ng batikos sa publiko ang paglalagay ng car o booster seat para sa mga batang edad 12-anyos pababa.


Ayon kay Biazon na miyembro rin ng Committee on Transportation, nanawagan ito sa komite na i-exercise ang oversight function para i-review ang IRR ng Child Car Seat Law.

Nagpadala na rin ng liham si Biazon kay Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento at hinihiling na samantalahin ang pagsilip sa IRR habang ipinagpaliban ang pagpapatupad sa batas.

Sa palagay ng kongresista, mayroong probisyon sa IRR na lagpas sa scope at authority ng batas kaya nagdulot ito ng kalituhan sa mamamayan lalo na sa mga magulang.

Isa sa tinukoy ni Biazon ang probisyon sa “Fitting Station” kung saan ang ibig sabihin ay dapat epektibong maipatupad ang Section 8 ng batas o ang Certification Training Program.




Nilinaw rin ng mambabatas na hindi iniuutos ng batas ang pagtatatag ng “Fitting Station”.

Mahalaga aniyang ma-review ang IRR at tiyaking ito ay tumutugma sa nakasaad sa batas upang hindi na maulit ang kalituhan at abala sa mga motorista.

Facebook Comments