Niratipikahan na ngayong hapon ng Kamara ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Bill o CREATE.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, inaasahang mararatipikahan na rin ito ng Senado para maisumite na at malagdaan na ng Pangulo.
Sa ilalim ng CREATE Bill, ibababa ang 30% na corporate income tax sa 25% para sa mga large corporation at 20% naman para sa mga small and medium corporation na mayroong net taxable income na mababa sa ₱5 million at total assets na mas mababa sa ₱100 million.
Maliban dito may mga insentibo, special corporate income tax holiday at iba pang benepisyong nakapaloob para sa mga exporters, enterprises at iba pang negosyo.
Bukod sa pagbangon ng ekonomiya, inaasahang magreresulta rin ito ng 1.8 milyong mga trabaho sa susunod na sampung taon.
Ang CREATE Act ay makakatulong din sa bansa mula sa economic gap o naging epekto ng COVID-19 pandemic kung saan nakapaloob dito ang VAT exemptions para sa COVID-19 vaccines, Personal Protective Equipments (PPEs) at mga gamot para sa COVID-19 at iba pang karamdaman.