Bumuo ng crowdsourced map ng mga community pantry sa bansa ang Filipino geographers para mas mapadali ang paghahanap sa mga ito.
Ayon sa visual designer at urban planner na si Andi Tabinas, layon nitong makatulong na makita kung saan ang mga lugar na kaunti ang supply upang makapag-donate ang publiko.
Aniya, kahapon ay aabot na sa 358 ang mga community pantries sa buong bansa at patuloy pa itong nadadagdagan.
Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana na full support sila sa pagtatayo ng community pantry at inatasan niya na rin ang mga sundalo na mag-donate sa ganito.
Samantala, hanggang sa ngayon ay wala pa ring nagiging tugon ang Quezon City Police District matapos ang insidente ng red tagging sa lungsod sa mga gumagawa ng community pantry.