Manila, Philippines – Nanawagan ang Volunteers Against Crime and Corruption kay Incoming PNP Chief General Oscar Albayalde at CIDG Chief Supt. Roel Ubusan na imbestigahan ng mabuti ang nahuli ng CIDG na di umano’y estapador na si Arnel Ordonio matapos na makatanggap sila ng banta sa kanilang buhay.
Sa ginanap na Presscon sa Manila sinabi ni VACC Region 3 Chief, Pyra Lucas, binabaligtad ngayon ni Ordonio ang kanyang mga biktima at sinasabing ang mga tio ay kakutsaba niya sa panloloko.
Paliwanag pa ng mga naloko ni Ordonio, lahat sila ay pawang nakakatanggap ng death threats dahil mayroon umaaligid ng riding in tandem at isang mobile patrol na pulis sa harapan ng bahay ng biktimang si Joseph Gantan.
Dahil ditto, hinala ng mga biktima na may taong nagpoprotekta kay Ordonio lalo na at madalas mag-post ang suspek sa kanyang Facebook account ng mga kasama niyang politiko na pawang mga investors din umano nito.
Matatandaang noong isang linggo lang ay naaresto ng CIDG si Ordonio matapos hikayatin ang libu-libong Pilipino na mag-invest sa kanyang “New-G” Company kung saan ang halaga na limampung libong piso ay kikita ng 63 libong piso sa loob lamang ng 16 araw.
Base sa reklamo ng mga biktima, papalo sa bilyon-bilyong piso na ang nakulimbat ni Ordonio sa kanilang grupo.