Nagbabala ang Civil Service Commission (CSC) sa sinumang indibidwal o grupo na gumagamit ng pangalan at logo ng ahensya ng walang pahintulot ay maaaring makasuhan at makulong.
Nilinaw ni CSC Chairperson Karlo Nograles, na walang indibidwal o entity ang binigyan ng kapahintulutan para gamitin ang pangalan at logo kabilang ang lumang CSC emblem para sa anumang aktibidad o online promotions.
Binigyang-diin ni Nograles na posibleng ginagamit na ito sa iligal na aktibidad at dapat lang mapanagot sa batas.
Paliwanag pa ni Nograles, may mga ulat din ng unscrupulous individuals na gumagamit ng pangalan ng CSC officials at employees sa panggigipit sa mga empleyado ng iba pang ahensya ng gobyerno upang pilitin silang magbayad ng pautang at obligasyon mula sa mga indibidwal o lending institution.
Apela ni Nograles sa publiko na agad isumbong sa CSC ang sinumang indibidwal o grupo na nirerepresenta ang ahensya.