Pinapaharap sa susunod na pagdinig ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability si Civil Service Commission Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala kaugnay sa imbestigasyon sa mga isyu ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) .
Ito ay kasunod ng ibinulgar ni CSC Commissioner Aileen Lizada sa mga kongresista na ipinag-utos umano ni Bala sa kanila na huwag magbibigay ng impormasyon sa mga nakabinbing kaso ng PhilHealth sa komisyon sa kahit anong uri ng pagsisiyasat, ‘in aid of legislation’ man ito o kahit anong uri imbestigasyon.
Ipinapa-subpoena rin ng Kamara ang recording ng naging pulong ng CSC at record ng ‘minutes of meeting’ kung saan ipinag-utos ni Bala ang pag-hold sa impormasyon ng mga kaso ng PhilHealth.
Binigyang direktiba rin ang Committee Secretariat na ipasumite sa CSC ang mga dokumento at lahat ng kaso ng PhilHealth.
Sa Huwebes ay muling ipagpapatuloy ng mga komite ang pagbusisi sa isyung ito na kinasangkutan ng CSC at PhilHealth.