Manila, Philippines – Iminungkahi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde sa Civil Service Commission (CSC) na magtakda ng halaga ng regalo na maaring tanggapin ng mga empleyado ng gobyerno.
Ginawa ni PNP chief ang mungkahi matapos sabihin ni Presidential Anti-Corruption Commission Chairman (PACC) Greco Belgica na para sa kanya ay “insignificant” ang 100,000 halaga dahil katumbas lang ito ng isang buwan niyang sahod.
Aniya nirerespeto niya ang pahayag ni Belgica dahil depende aniya sa pinagbibigyan at nagbibigay, ang regalong may “insignificant value”.
Pinapayagan din kasi ng CSC ang pagtanggap ng mga empleyado ng gobyerno ng mga regalong may “insignificant value” o yung mga itinuturing na “token of appreciation” lang.
Giit ni Albayalde, maaring para sa isang bilyonaryo ay balewala ang magbigay ng 100,000 pisong regalo.
Pero sinabi ni Albayalde na kung siya ang pagbibigyan, hindi “insignificant” ang 100,000 piso dahil kalahati na ito ng kanyang buwanang sweldo at pabiro pang sinabi na ilang Lacoste t-shirt din ang mabibili niya.
Kaya para wala na aniyang kwestyon kung ano ang “insignificant value”, mas maigi kung magtakda na ang CSC ng kaukulang halaga na itinuturing na “insignificant”.