CSC, nagbabala sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na sangkot sa anomalya at korapsyon sa pamahalaan

Nagbabala ang Civil Service Commission (CSC) sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na sangkot sa anumang anomalya o korapsyon sa pamahalaan.

May kaugnayan ito sa kautusan ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President Dante Gierran na magbitiw sa pwesto ang lahat ng senior executive ng ahensya dahil sa kinahaharap na kontrobersiya dahil sa kaliwa’t kanang katiwalian.

Sa interview ng RMN Manila kay CSC Commissioner Aileen Lizada, ipinaliwanag nito na ang resignation ay boluntaryong hakbang ng isang empleyado ng gobyerno, batay sa section 104 rule 10 ng CSC.


Pero, binigyan diin ni Lizada na kung ang isang kawani na sangkot sa anomalya o korapsyon ay nanindigang hindi magbibitiw sa pwesto, dapat ay nakahanda ito sa anumang maaaring mangyari sa kanya sakaling sampahan siya ng kaukulang kaso.

Sinabi ni Lizada na maaaring mawala sa isang empleyado ng gobyerno ang lahat ng kanyang tinatamasang benepisyo kung mapapatunayang sangkot ito sa mga anomalya.

Facebook Comments