Hinikayat ni Albay Representative Joey Salceda ang Civil Service Commission (CSC) na maglabas ng guidelines kaugnay sa work-from-home ngayong patuloy ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Salceda, hanggang ngayon kasi ay mayroon pa ring mga tanggapan sa gobyerno ang pinipilit ang kanilang mga empleyado na pumasok sa trabaho kahit pa maaari naman silang magtrabaho ng nasa bahay.
Pinaglalabas ng kongresista ang CSC ng mga alintuntunin na susundin ng mga ahensya ng gobyerno para sa mga empleyado na kinakailangan talagang pisikal na pumasok sa trabaho para punan ang kanilang essential functions at sa mga kawani naman na maaaring mag-work-from-home.
Inihalimbawa ng mambabatas ang mga pribadong sektor na bihasa na sa pagpapatupad ng work-from-home scheme.
Sinabi pa ni Salceda na malaki rin ang matitipid ng mga opisina kung papayagan at pananatilihin muna ang ganitong sistema na work-from-home sa mga empleyado.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba sa 30% ang working capacity hanggang sa maximum na 50% ang operasyon ng tanggapan ng gobyerno sa general community quarantine (GCQ) areas.