Cauayan City, Isabela- Pinahintulutan at malugod na tinanggap ng mga mamamayan ng probinsya ng Quirino at Nueva Vizcaya ang inilargang Community Support Program (CSP) ng tropa ng 86th Infantry Highlander Battalion katuwang ang hanay ng PNP at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSg Benjie Maribbay ng 86th IB, maganda at positibo aniya ang naging pagtanggap ng mga residente sa limang mga bayan na napiling pagsagawaan ng CSP.
Tatlong (3) buwan ang ibinigay na panahon para maisagawa ang layunin at misyon nito sa 19 na mga barangay mula sa mga bayan ng Aglipay, Cabarroguis, Maddela, at Nagtipunan sa Lalawigan ng Quirino at Kasibu sa Nueva Vizcaya.
Sinabi ni SSg Maribbay na layunin ng program na tulungan ang mga sangay ng pamahalaan na maihatid ang mga karaniwang pangangailangan ng mga mamamayan sa kanilang lokalidad.
Ito ay magsisilbing tulay din ng mga karaniwang mamamayan upang maipaabot sa kinauukulan ang kanilang mga programa o plano para sa pagpapaunlad nang kanilang kabuhayan.
Hinimok naman ni SSg Maribbay ang publiko na kailangan lamang makiisa sa mga programa ng pamahalaan at maging responsableng mamamayan para makamtan ang pagkakaroon nang pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa lugar.