Curfew Hours at Iba Pang Ordinansa Kontra Krimen sa Dist 3 Cauayan City, Tututukan ng mga Bagong Halal na Opisyal!

*Cauayan City, Isabela-* Suportado umano ng mga bagong halal na opisyal ng barangay District 3 dito sa Lungsod ng Cauayan ang mga ordinansang ipinapatupad upang labanan ang anumang uri ng krimen dito sa lungsod.

Ayon kay Punong Barangay Bagnos Maximo Jr , nakatakdang magpulong ngayon araw ang mga bagong opisyal ng naturang barangay upang pag usapan sa kanilang unang regular session ang mga bagong ordinansa at patakaran na ipinapatupad ng Pamahalaang lungsod at kapulisan kontra krimen.

Inatasan na umano ni Punong Lungsod Bernard Dy ang lahat ng mga barangay opisyal at kapulisan ng Cauayan City na mahigpit na ipapatupad ang mga ordinansa ng lungsod sa kanilang mga nasasakupang barangay gaya ng Curfew hour para sa mga menor de edad, pagbabawal ng pag-inom ng alak sa mga lansangan at paglalakad ng mga kalalakihan na walang damit bilang suporta at pagtalima sa kautusan ng Pangulong Duterte.


Ayon pa kay Kapitan Maximo Jr. aktibo umano ngayon ang Chairman ng Committee on Peace and Order na si Barangay Kagawad Edison Gannaban sa naturang barangay at mahigpit na ring tinututukan ang mga kabataan na madalas nasasangkot sa kaguluhan sa mga lansangan.

Samantala, maganda rin umano ang kanilang koordinasyon sa mga kapulisan upang panatilihing nasa maayos at ligtas na kalagayan ang mga mamamayan dito sa Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments