CURFEW PA RIN I Panibagong curfew sa mga kabataan, isinusulong sa Kamara

Manila, Philippines – Sa kabila ng mga naunang desisyon ng Korte Suprema sa pagbasura sa curfew hours sa mga lungsod ng Manila at Navotas, kumilos naman ang Kamara matapos na aprubahan sa House Committee on Welfare of Children ang pagtatakda ng curfew sa mga menor de edad.

Sa inaprubahang substitute bill ng House Bill 894 ni Quezon Rep.Angelina Tan, ipagbabawal na ang mga bata sa labas na naggagala mula alas dyes ng gabi hanggang alas singko ng madaling araw.

Kapag lumabag sa oras na maisabatas ang panukala, pagmumultahin naman ang guardian o magulang ng mga bata ng 500 piso hanggang 1 libong piso kaakibat ang community service na lima hanggang sampung araw.


Ang mga batang mahuhuli sa ilalim ng curfew hours ay dadalhin naman sa mga barangay para sa verification at counselling.

Inaatasan naman ang mga barangay na i-refer sa local social welfare and development office ang mga minors na makukuha sa lansangan sa loob ng walong oras.

Layon na rin ng panukala na tiyakin ang kaligtasan ng mga bata at para hindi sila magamit sa krimen ng mga sindikato.

Facebook Comments