Customs Modernization and Tariff Act at TRAIN Law, pwedeng gawing batayan para ilibre sa buwis ang mga vaccines, testing kits at gamot kontra COVID-19

Inirekomenda ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa pamahalaan na gamiting batayan ang Customs Modernization and Tariff Act at ang TRAIN Law para ilibre sa import tax ang mga bakuna, testing kits at mga gamot na kontra COVID-19.

Ang mungkahi ng kongresista ay sa harap na rin ng inaasahang pagdating ng mga COVID-19 vaccines sa bansa.

Ayon kay Co, sa ilalim ng Section 1609 ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act ay binibigyang kapangyarihan ang Ehekutibo sa pamamagitan ng National Economic and Development Authority (NEDA) na palitan ang import duties o i-classify ang mga produkto batay na rin sa rekomendasyon ng Pangulo.


Sa ganitong paraan ay hindi na kakailanganin ang panibagong batas mula sa Kongreso.

Isa pa aniyang maaaring gamitin ay ang TRAIN Law para mapababa ang halaga ng bakuna para sa mga mahihirap salig na rin sa probisyon ng batas na social safety net na tutukuyin naman ng pamahalaan.

Pinakikilos din ng lady solon ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Finance (DOF) na isantabi na muna ang iba’t ibang bayarin sa bakuna, testing kits at gamot.

Dagdag pa ni Co, nagawa na ito noong 2019 kung saan kinailangang paramihin ang suplay ng iniaangkat na pagkain para mapabagal ang inflation o pagtataas sa presyo.

Facebook Comments