*Cauayan City, Isabela*- Nananawagan ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center at Kagawaran ng Kalusugan sa Rehiyon 2 kaugnay sa maling impormasyon na kumakalat na may naitalang kaso na ng 2019 Novel Corona Virus sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Chief ng CVMC, mangyaring makipagtulungan nalang ang publiko sa pagbibigay ng tamang impormasyon kaysa magpakalat ng mga maling impormasyon na posibleng mauwi sa pagpapanic ng ilang tao kaugnay sa usapin ng nakamamatay na sakit mula sa bansang China.
Sinabi pa ni Dr. Baggao, mahigpit ang kanilang monitoring sa lahat ng paliparan sa Cagayan upang tiyakin ang hindi pagpasok ng sakit na pumatay na daang katao.
Paliwanag pa nito na tanging si DOH Sec. Francisco Duque ang maaari lamang magbigay ng kumpirmasyon kaugnay sa isyu ng Novel Coronavirus.
Hiniling naman nito sa publiko na sundin ang ilang safety measure gaya ng paghuhugas ng kamay para matiyak na malayo sa sakit.