Cauayan City, Isabela- Naghahanap ngayon ang Cagayan Valley Medical Center ng karagdagang itatalagang health workers para sa nalalapit nitong pagbubukas bilang COVID-19 Testing Center.
Sa ibinahaging impormasyon ng PIA Region 02, sinabi ni Dr Glenn Matthew Baggao, medical chief ng CVMC, nasa 70 o 80 porsiyento na ang natapos sa ospital at inaasahang magbubukas na ito anumang araw ngayong buwan.
Sinabi ni Baggao na kamakailan lamang ay nakuha na ng ospital ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) machine at inaasahan ang isa pang makina na magmumula sa Department of Health (DOH) Central Office at isang karagdagang makina ng GeneXpert.
Sakaling magbubukas na ang ospital bilang COVID-19 testing center sa rehiyon ay sisimulan nang mag-test ng 300 hanggang 400 na specimens sa kada araw.
Dagdag pa ng hepe ng ospital, nakahanda na ang kanilang manpower sakaling matapos na ang konstruksyon ng ospital.
Sa ngayon ay nasa 25 na medical technologist ang hinahanap ng ospital na sasanayin din ng mga unang batch ng MedTech ng CVMC.
Bukod sa Medtechs, nangangailangan din ng dalawang (2) Medical Specialist II, sampung (10) Administrative Assistants II at walong (8) Laboratory Technician na itatalaga sa COVID-19 Testing Center (Molecular Laboratory).
Kaugnay nito, nakakuha na rin ng bagong ambulansya ang CVMC upang dagdagan ang mga kasalukuyang ginagamit na mga sasakyan para sa mas mabilis na pagtugon kaugnay sa sakit na COVID-19.