Cauayan City – Isinusulong ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang kamalayan sa kalusugan ng atay bilang bahagi ng paggunita sa Liver Cancer and Viral Hepatitis Prevention and Awareness Month.
Layunin ng kampanya na turuan ang publiko tungkol sa kahalagahan ng atay at ang mga hakbang para mapanatili itong malusog.
Sa temang “Malusog na Atay, Masayang Buhay,” isinagawa ng Health Education and Promotion Office sa ilalim ng Public Health Unit ng CVMC ang isang Health Education and Literacy Project kahapon.
Binigyang-diin ng CVMC ang kahalagahan ng tamang nutrisyon, pag-iwas sa alak, regular na ehersisyo, at pagpapabakuna laban sa Hepatitis B upang maprotektahan ang atay.
Ayon sa CVMC, mahalaga ring magpasuri nang maaga kung may nararanasang sintomas ng sakit sa atay tulad ng paninilaw ng balat, pananakit ng tiyan, o labis na pagkapagod.
Naniniwala ang CVMC na ang ganitong mga kampanya ay mahalaga upang mapanatiling malusog ang komunidad.
Patuloy nilang isusulong ang mga programa at aktibidad para sa mas malawak na kamalayan sa kalusugan ng atay sa mga darating na panahon.