Inaatasan ng Bayan Muna Partylist ang House Committee on Information and Communications Technology na imbestigahan ang mga napaulat na “cyber-attacks” laban sa ilang media companies sa bansa.
Tinukoy sa House Resolution 2493 ang mga pag-atake sa ilang news websites kabilang ang CNN Philippines, Rappler, Philstar at iba pa.
Layon ng imbestigasyon na matukoy at papanagutin sa batas ang mga cybercriminal, na ang intensyon ay hindi lamang guluhin ang operasyon ng media entities, kundi maka-impluwensya sa eleksyon.
Nakasaad sa resolusyon na nauna nang hinimok ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pag-atake sa ilang news websites.
Noong nakalipas na taon naman, nabiktima rin ng cyber-attack ang alternative media websites na Bulatlat, Altermidya at Karapatan.
Mahalagang masilip ng Kongreso maging ng DICT at NBI ang mga cyber-attacks laban sa media lalo’t nalalapit na ang halalan kung saan mas kailangan ng publiko ang mga mapagkakatiwalaang sources ng mga balita at impormasyon.