CYBER LIBEL | Keanna Reeves, pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa

Quezon City – Pansamantalang nakalaya ang TV personality na si Keanna Reeves matapos magpiyansa ng ₱90,000 para sa kasong cyber libel.

Una nang inaresto ng CIDG noong Lunes si Reeves sa Quezon City dahil sa cyber libel na isinampa ng comedy bar owner na si Nancy Dimaranan, na kumuha sa serbisyo nito noong Hulyo.

Kinasuhan ni Dimaranan si Reeves matapos umano siyang siraan nito sa pamamagitan ng isang Facebook video.


Giit ni Reeves, naglabas lang siya ng sama ng loob nang mahirapan silang makauwi matapos magtanghal sa bar ni Dimaranan dahil liblib ang lugar at hindi umano sila hinatid sa may sakayan.

Aniya, ipinagtataka niya kung bakit sinakay siya ng mga awtoridad sa sasakyan ni Dimaranan nang hulihin siya noong Lunes at naka-Facebook live pa ito nang isilbi sa kaniya ang arrest warrant.

Depensa ni Dimaranan, wala namang nakasaad sa arrest warrant kung anong klaseng sasakyan ang maaaring gamitin sa pag-aresto rito.

Noong panahon aniyan inilabas ang warrant, sasakyan lang niya ang naroon kaya iyon ang sinakyan ng mga tauhan ng CIDG.

Pero batay sa patakaran ng Philippine National Police (PNP), tanging official o commissioned vehicles lang ng mga pulis ang maaaring gamitin sa pag-aresto.

Kasabay nito, tiniyak ni Reeves na nakahanda siyang harapin ang kaso laban sa kaniya pero ikinakasa na rin niya ang kaniyang kontra demanda.

Nakatakda naman ang arraignment sa kaso ni Reeves sa Nobyembre 20.

Facebook Comments